Nagmolestiya ng teener arestado

November 04, 2019

NANG isakatuparan ng 22-anyos na si Romeo Sundiam, Jr ang puwersahang pagmolestiya sa 16-anyos na si Mylene (hindi tunay na pangalan) noong Marso 9 ng kasalukuyang taon, inakala niyang hindi papalag ang biktima kaya’t paulit-ulit niyang ipinasok ang daliri sa kaselanan ng biktima.

Gayunman, nang matuklasan ni Sundiam, residente ng 308 B Cruz St. Bgy. Tangos, Navotas City na nagsumbong sa kanyang mga magulang si Mylene, nagpasiya siyang magtago upang takasan ang batas na uusig sa kanyang ginawa.

Nang isampa ng pulisya ang kasong apat na bilang na rape at sexual assault laban kay Sundiam sa piskalya, wala siyang naging tugon sa reklamo ng mga magulang ni Mylene kaya’t inakyat ang kaso sa sala ni Navotas Regional Trial Court (RTC) Judge Cecilia Parallag ng Branch 9-Family Court na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Naitala ang pangalan ni Sundiam bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Navotas police matapos ilang ulit na mabigo ang pulisya sa ginawang pagtugis sa kanya.

Kamakalawa ng hapon, nagwakas ang halos walong buwang pagtatago ni Sundiam makaraang makatanggap ng impormasyon ang tanggapan ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas na bumalik sa kanilang lugar ang suspek.

Pasado alas-3 ng hapon nang ikasa ng pinagsanib na puwersa ng Navotas Police Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section sa pangunguna nina P/Lt. Charlie Bontigao at P/EMSgt. Alvin Bautista ang pagdakip sa suspek na naaresto sa kahabaan ng B. Cruz St. Bgy. Tangos.