Nagnakaw ng bisikleta kinuyog sa Valenzuela

July 05, 2020

KINUYOG ng mga kalalakihan ang isang kawatan na tumangay sa nakakandadong mamahaling bisikleta kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Kung hindi sa mabilis na pagresponde ng mga opisyal ng barangay, bugbog-sarado ang aabutin ng suspek na si Timotyh Dangan, 24, ng 13 Fortune St. Bgy. Palawan, sa naturang lungsod na kaagad dinala sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 5 matapos isailalim sa medical examination.

Batay sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Ferdinand Ortega, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang makaramdam ng panunubig si John Ryan Morellos, 30, kaya’t lumabas siya ng kanyang bahay sa 28 P. Caco St. Bgy. Isla at dito niya nakita ang suspek na pinapatid ng hawak na bold cutter ang kadena ng kanyang Japanese bike sa harap ng kanyang tirahan.

Kaagad na sinigawan ng biktima ang suspek na mabilis na natangay ang bisikleta subalit hinabol siya ni Morellos habang nagsisisigaw na humihingi ng tulong.

Nakita naman ng mga kalalakihan ang suspek kaya’t hinarang nila ito at pinagtulungang bugbugin hanggang dumating ang mga nagrespondeng barangay tanod.

Nakuha sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong pagnanakaw ang  isang bag na naglalaman ng bold cutter at glass cutter na kanyang gamit sa paggawa ng krimen.