Nakaboso na, di pa nakuntento

October 18, 2019

HINDI pa nagkasya sa ginawang pamboboso sa 17-anyos na dalagita na hubo’t hubad kung maligo, pinuntahan pa ng 33-anyos na mangingisda ang binosohang estudyante sa loob ng kanilang bahay at pilit na niyayakag sa palikuran kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Nagkataong nag-iisa lamang sa ibaba ng dalawang palapag na tirahan sa Barangay Tangos North ang biktimang itinago sa pangalang “Vicky” at nakahiga sa sopa habang ginagamit ang kanyang mobile phone nang pumasok ng walang pahintulot ang kapitbahay na si Ronnie Pugay, dakong alas-8:15 ng gabi makaraang masilip sa bintana ang nag-iisang dalagita.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, sinabihan umano ni Pugay si Vicky na tutal naman ay nakita na rin niya ang lahat-lahat sa dalagita, pati na ang maseselang bahagi ng kanyang katawan, niyakag niya ang Grade 9 na estudyante sa loob ng banyo dahil may sasabihin pa aniya siya sa biktima.

Bagama’t sinaklot ng labis na sindak, hindi nasiraan ng loob si Vicky at sinabihan ang kapitbahay na umalis na dahil nasa itaas lamang ng kanilang bahay ang kanyang kuya.

Dahil dito, kaagad na lumabas ng bahay ang suspek na naging daan upang magtatakbo patungo sa bahay ng kanyang pinsan ang dalagita at humingi ng tulong na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek matapos silang bigyan ng ayuda ng mga opisyal ng barangay.

Dinala nina barangay tanod Danilo Miranda at Romano Gozon ng Bgy. Tangos North sa Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) upang maimbestigahan at masampahan ng kasong Acts of Lasciviouness in relation to R.A 7610 o Child Abuse Law.