Nakipag-inuman kay kamatayan

December 15, 2018

ANIM na manggagawa ang mistulang nakipag-inuman kay Kamatayan nang matabunan sila ng buhay matapos gumuho ang kinukumpuning bahay kung saan sila nagtagayan kamakalawa ng gabi sa lungsod Quezon.

Agad na isinugod sa Quezon City General Hospital  ang mga biktimang sina Ryan Tolibas Rigueros, 31, hauler; may-ari ng ginagawang bahay; Benito Naredo Anora, 45, construction worker; Nilo Joseco, Manguso, 48, may asawa, security guard; Rey Berbon Diestro, 23, binata, helper, ng  Gaya-Gaya, Bgy. Bahay Toro, Proj 8; Donald Conde, biyudo, construction worker, at  Johny Surbida Gabin, 52, tinsmith ng Sitio Militar, Bgy. Bahay Toro subalit idineklara silang dead-on-arrival.

Batay sa inisyal na report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD)ang insidente ay nangyari dakong 9:30 p.m. noong Disyembre 14 sa ginagawang dalawang palapag na bahay na pag-aari ni Rigueros sa Seminary Road, Sitio Bathala, Bgy. Bahay Toro, Project 8 sa nasabing lungsod.

Matapos ang maghapong pagkukumpuni ay nagkayayaan umano ang mga manggagawa na mag-inuman sa ikalawang palapag subalit makalipas lamang ang ilang oras ay bigla na lamang gumuho ang bahay.

Hindi na nagawa pang makatakbo ng mga biktima dahil sa mabilis na pagguho at kasabay silang nahulog sa katabing ilog at natabunan ng mga bato at iba pang debris. Hinala ng pulisya, posibleng dahil sa maghapong pag-ulan ay lumambot ang lupang kinatitirikan ng bahay.    , kung saan ay nasa tibi lamang ito ng ilog, dagdag pa na ang mga nakitang bakal ng ginagawang bahay ay pawang kinakalawang na.