Nanakit, nangholdap sa dalaga di nakatakas

September 29, 2019

ARESTADO ang holdaper na nanakit at nangholdap sa 21-anyos na dalaga makaraang palihim siyang habulin ng biktima kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Inakala ni Auron Delos Reyes, 31, ng #1 Jeremias St. Karuhatan, Valenzuela na natakasan na niya ang biktimang si Elaiza De Vera ng 2475 Sanderemias St., Karuhatan subalit nagulat na lamang siya ng harangin siya ng mga barangay tanod na hiningan ng tulong ng dalaga.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, pasakay na sana sa pampasaherong jeep si De Vera dakong alas-11 ng gabi sa tapat ng Malanday Cockpit Arena nang biglang hablutin ng suspek ang kanyang buhok at nagdeklara ng holdap.

Tinangkang manlaban ng biktima subalit pinagsasapak siya ng suspek sa tiyan at hita bago kinuha ang dala niyang P3,800 at tinadyakan pa sa katawan bago tuluyang tumakas.

Sumakay ng pampasaherong jeep si Delos Reyes at bumaba sa harapan ng isang gas station sa MacArthur Highway, Bgy. Karuhatan na hindi napuna na palihim pala siyang sinusundan ng biktima.

Nang makakita ng nagrorondang barangay tanod, humingi ng tulong si De Vera kaya’t nagulat pa ang suspek nang harangin siya ng mga opisyal ng barangay. Tinangka pang tumakas ng suspek subalit nadakip din matapos ang maikling habulan.