Nanghalay na masahero timbog

December 22, 2019

SINAMANTALA ng i-sang massage therapist ng isang salon and spa ang pagpapamasahe ng 32-anyos na babae matapos gawan ng kahalayan at tinangkang halayin kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Naaresto naman ang suspek na si Samson Ochavo, 31, massage therapist at residente ng Block 3 C., Molina St., Viente Reales matapos magreklamo ang biktima sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 6.

Sa nakarating na ulat kay Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, nagtungo sa Harriet Massage Salon and Spa na nasa 4060 Santiago St., Lingunan ang biktimang itinago sa pangalang “Demi” dakong alas-6 ng gabi, kasama ang mga kaibigang babae, upang magpamasahe matapos ang maghapong pamimili ng mga panregalo sa Pasko.

Sa paniwalang mas mahusay magmasahe ang mga lalaki, pumayag ang magkakaibigan na lalaking masahista ang mag-serbisyo sa kanila at natapat si Ochavo na magmasahe sa biktima.

Inakala ni Demi na ang pagpapahubad ng masahista sa kanyang mga damit ay natural lamang at walang malisya upang maging maayos ang pagmamasahe subalit kalaunan ay naramdaman niyang iba na ang galaw ng kamay ng masahista dahil itinutuon ang mga kamay at daliri sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Hindi na nakatiis si Demi sa ginagawa ng masahista kaya’t sinabihan ang masahista na tigilan na ang pagmamasahe bago pa man tuluyang maluray ang kanyang puri.

Dito na isinumbong ni Demi sa mga kasamahan ang kakaibang serbisyong ipinagkaloob sa kanya ng masahista kaya’t humingi sila ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.