Nanghalay ng dalagita: Ako muna bago iba

September 24, 2019

“AKO muna bago ka pakinabangan ng iba”

Ito ang umano’y sinambit ng 24-anyos na construction worker matapos puwersahang kaladkarin sa damuhan ang 17-anyos na dalagitang anak ng kinakasama ng kanyang kapatid bago sinimulang halayin sa Valenzuela City.

Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, Linggo ng dakong alas-8 ng gabi nang lumabas ng kanilang bahay sa Bgy. Gen. T. De Leon ang biktimang itinago sa pangalang “Mylene,” bitbit ang kanyang cellular phone.

Ang hindi batid ng biktima, palihim siyang sinundan ng suspek na si Ronel Custodio at nang makakuha ng tiyempo ay biglang hinablot ang dalagita na noon ay may kausap sa kanyang cellular phone bago puwersahang kinaladkad patungo sa damuhan kung saan isinagawa ang panghahalay.

Malaki ang paniniwala ng pulisya na matagal ng pinagpapantasyahan ni Custodio ang step-daughter ng kanyang nakatatandang kapatid at posibleng pinagseselosan ang madalas na kausap ng dalaga sa kanyang cellphone.

Matapos ang panghahalay, umuwi ng bahay si Mylene at isinumbong sa kanyang ina ang ginawa ng kapatid ng amain.

Humingi ng tulong kamakalawa ng umaga sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 2 ang mag-ina subalit hindi na inabutan ng pulisya ang suspek dahil nagtago na ito. Gayunman, dakong alas-3 ng hapon kamakalawa nang magpasiyang sumuko si Custodio sa mga tauhan ng PCP-2 na nagdala sa kanya sa tanggapan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) upang harapin ang isasampang kasong rape laban sa kanya.