Nanghuhuli ng pasaway sa ECQ binato ng obrero

March 26, 2020

PINUKOL ng bato ng isang construction worker ang mga barangay tanod na nagsasagawa ng pagroronda upang dakpin ang mga lumalabag sa enhanced community quarantine kahapon ng madaling araw sa Navotas City.

Ginawa ni John Bryan Agustilo, 19, ng Bangus St. Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran ang pambabato sa mga barangay tanod, isang araw matapos ilabas ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang kautusan sa lahat ng mga opisyal ng barangay na dakpin ang mga pasaway na lumalabag sa pagpapa-iral ng lockdown.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, tumatalima sa kautusan ng alkalde ang mga tanod ng barangay NBBS-Kaunlaran nang bigla silang salubungin ng pambabato ng suspek sa hindi pa batid na dahilan pagsapit sa kanto ng Bangus at Bonito St. sa naturang barangay dakong alas-3 ng madaling araw.

Matapos ang pambabato, kaagad na nagtatakbo patungo sa maliliit na eskinita sa lugar ang suspek hanggang sa tuluyang mawala sa paningin ng mga humahabol na tanod.

Sa ginawang follow-up operation nina Tanod Rodrigo Olivado at Sammy Salvacion, namataan nila sa kahabaan ng C-3 Road si Agustilo at dito na siya tuluyang nasukol.

Kasong paglabag sa Article 148 ng Kodigo Penal o Direct Assault at paglabag Presidential Proclamation 922 na nagdedeklara ng state of public health emergency sa buong bansa ang isasampa ng pulisya laban sa suspek. edd reyes