Natutulog na dalagita pinagnasaan sa Navotas

May 29, 2019

PINAGNASAAN ng 25-anyos na lalaki ang dalagitang nagbabantay ng pamangkin makaraang dakmain at himasin ang murang dibdib ng biktima habang natutulog katabi ang inaalagaang sanggol kahapon ng madaling araw sa Navotas City.

Inakala ni Vicente Corpuz Jr. na mahimbing na ang tulog ng 17-anyos na biktimang itinago sa pangalang Merly kaya’t ginapang na niya ang dalagita kahit katabi ang inaalagaang pamangkin dakong alas-2 ng madaling araw at dahan-dahang dinakma at hinimas ang dibdib nito.

Nang magising ang biktima  matapos maramdaman ang mainit na kamay na humihimas sa kanyang dibdib, mabilis na lumabas ng silid ang lalaki kaya’t nagsumbong sa kanyang kapatid at ina ang dalagita.

Kaagad namang humingi ng tulong sa nagrorondang barangay tanod ang ina ni Merly na naging dahilan ng pagkakadakip kay Corpuz.

Sa isinumiteng ulat ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Navotas Police chief P/Col. Rolando Balasabas, napagalaman na pansamantalang nanirahan sa bahay ng kanyang ate si Merly sa Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS) kung saan naninirahan din ang suspek.

Kasong Acts of Lasciviousness ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng lungsod ng Navotas.