Nauwi sa pananaksak agawan sa higaan sa Quezon City

Nauwi sa pananaksak ang pag-aagawan ng dalawang basurero sa isang higaan sa  ilalim ng Kamuning Flyover sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Agad na nasawi ang biktima na nakilalang si Danny Abalos, 34, scavenger, may-asawa at walang permanenteng tahanan,  habang ang suspek ay mabilis na tumakas pero matapos ang limang oras na paghahanap ay nadakip din ng pulisya. Siya ay nakilala namang si Baltazar Patdi, 62, isa ring scavenger.

Sa ulat kay P/Lt, Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU)  ng Quezon City Police District (QCPD), ang krimen ay naganap dakong alas 3:45 ng madaling araw sa ilalim ng Kamuning Flyover, Bgy. Sacred Heart, Quezon City.

Ayon sa asawa ng biktima na si Jackilyn Bukat, nagtalo nitong Martes ng gabi ang kanyang mister at suspek dahil sa agawan ng higaan sa ilalim ng flyover.

Nagalit si Baltazar dahil inagawan siya ng puwesto ng higaan ng mag-asawa kaya habang natutulog ang  mag-asawa ay saka niya inundyan ng isang malalim na saksak sa dibdib ang biktima.

Nabatid na bago saksakin ng suspek ang biktima ay hinataw muna nito ng kahoy si Jackilyn na noon ay natutulog din.

Nasamsam ng mga awtoridad ang kitchen knife na ginamit ng suspek sa krimen.