Navotas may kumpirmadong COVID-19 case na

March 29, 2020

KINUMPIRMA ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na meron ng isang positibong kaso ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.

Sa pamamagitan ng Facebook live, inianunsyo ni Mayor Toby Tiangco na isa sa mga persons under investigation (PUI) ang nag-positive sa COVID-19.

Isinugod ang pasyente sa Navotas City Hospital (NCH) noong Marso 24 dahil sa hirap sa paghinga. Mayroon din siyang tuberculosis at namatay agad matapos ma-admit.

Ani Tiangco, inaasahan niyang mas dadami ang mga pasyente ng COVID-19 kapag hindi makikinig ang mga Navoteño sa panawagan na manatili sa bahay at sumunod sa enhanced community quarantine.

“Ang pinakauna nating COVID-19 casualty ay nanirahan sa mataong lugar. Sa lugar ding ito, maraming nahuhuli ang ating Task Force NavoDAMPOT na mga sumusuway sa home quarantine. Kung hindi tayo susunod sa mga panuntunan quarantine, asahan na nating dadami pa ang kaso ng COVID-19 sa ating lungsod,” babala ng alkalde.

“Sa isang araw, nakapagtala ang Italy ng 919 na mga namatay dahil sa COVID-19. Huwag nating hintayin na mangyari ito sa Navotas. Wala tayong sapat na pasilidad at mga health workers para matugunan ang paglaganap ng sakit na ito,” sabi niya.

Nang tanungin kung bakit hindi inihayag ng lungsod ang personal na impormasyon ng namatay, pinaliwanag ni Tiangco na ito ay naaayon sa Data Privacy Act at sa guidelines ng Department of the Interior and Local Government.

Nagpayo rin ang alkalde na ang pinakamabisang paraan para maiwasaan ang paglaganap ng COVID-19 at pagtawid ng virus nito sa bagong host ay ang pananatili sa bahay.