Negosyante binaril, dedo

Tinutugis ngayon ng pulisya ang mga salarin na bumaril sa isang negosyante sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ni  P/Captain Juan B. Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Hanson Maranan, 45, businessman, at residente ng 60 Old Samson Road, Bgy. Apolonio Samson.

Mabilis namang nakatakas ang ‘di-pa nakilalang mga suspek na lulan ng itim na NMax motorcycle, at kapwa nakasuot ng helmet patungo sa Kaingin Road.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt Voltaire Dizon, dakong alas-7:20 ng umaga, nang maganap ang krimen sa  Old Samson Road corner Cloverleaf Drive, Barangay Apolonio Samson, QC.

Ayon sa testigong si Raiza Mae Beriña, 21, helper, nag-uusap umano sila ni Maranan nang bigla na lang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo, mula sa Cloverleaf Drive, at bigla na lang pinagbabaril ang biktima.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.