Negosyante nagbigti, tigok

December 28, 2018

Natagpuang nakabigti at wala ng buhay ang isang 53-anyos na negosyante sa hagdanan ng kanilang tahanan sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) dakong alas-8:30 ng gabi nuong Huwebes nang matagpuang nakabigti ng nylon si Narhol Placido Cruz, sa hagdanan ng tahanan sa No.14 October St., Congressional Village, Bgy. Bahay Toro, QC.

Sa imbestigasyon, nitong nakaraang December 23 ay umalis ang pamilya ng biktima upang magbakasyon at naiwang mag-isa si Cruz at solong nagdiwang ng Kapaskuhan sa loob ng kanilang tahanan.

Nitong Huwebes (Dec. 27) ay nagbalik mula sa bakasyon ang pamilya ng biktima subalit makailang ulit na umanong kumakatok sa pintuan ang anak na si Justine Charles ay wala pa rin umanong nagbubukas.

Dahil dito ay puwersahan na umanong binuksan ang pintuan ng  tahanan subalit pagpasok  sa loob ay bumungad sa pamilya ni Cruz ang nakabigting katawan nito sa hagdan.

Agad na inireport ng pamilya ng biktima ang insidente sa kanilang barangay at pagkatapos ay itinawag sa himpilan ng pulisya.

Ayon sa SOCO team na agad nagresponde sa crime scene, tumanggi umano ang pamilyang Cruz na imbestigahan pa ang nasabing pagpapatiwakal ng negosyante dahil kumbinsido umano ang mga ito na sadyang nagpakamatay ang biktima.

Nabatid na isinasama umano ang biktima sa bakasyon ng pamilya subalit tumanggi ito at nagpa-iwang mag-isa sa kanilang tahanan.