Obrero kalaboso sa gahasa ng 12-anyos

July 15, 2020

KALABOSO ang 32-anyos na construction worker matapos niyang gapangin at gahasain ang 12-anyos na dalagitang estudyante sa loob ng kanyang silid Linggo ng gabi sa Pasay City.

Kamakalawa lamang ng hapon nagawang maisumbong ng biktimang itinago sa pangalang Rochel sa kanyang ina ang ginawang panghahalay sa kanya ni Richard Marano, residente ng Sampaguita St. Brgy. 187 kaya’t kaagad silang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Batay sa inihaing reklamo ng biktima, natutulog na siya loob ng kanyang silid sa kanilang tirahan sa Aurora Boulevard, Brgy 186 dakong 11:30 ng gabi nang bigla siyang magising nang maramdamang sinisibasib ng halik ng suspek ang kanyang bibig.

Tinangka umanong manlaban ng biktima subalit binantaan siyang papatayin hanggang tuluyang mailugso ng suspek ang bubot pa niyang kapurihan.

Kahapon ay iprinisinta na sa piskalya para sa inquest proceeding ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 8353 (Anti-Rape Law) in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Discrimination and Exploitation.