Home>News>Metro>Obrero pinatay habang patungo sa trabaho

Obrero pinatay habang patungo sa trabaho

PATAY ang isang obrero nang pagbabarilin ng nag-iisang gunman habang patungo sa kanyang trabaho Biyernes ng hapon sa Malabon City.

Kaagad na nasawi bunga ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Marlon Santiago, 20, ng 87 Acero St., Bgy. Tugatog, habang mabilis na naglakad ang suspek patungo sa isang naghihintay na motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabuwat at mabilis na tumakas sa pinangyarihang lugar.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal ng Malabon police, dakong ala-1 ng hapon habang naglalakad sa kahabaan ng Plata St., Bgy.Tugatog ang biktima, bigla siyang sinalubong ng suspek na armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril at kaagad pinaputukan ng sunod-sunod sa katawan.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation sina P/Capt. Andres Victoriano subalit hindi na nila inabutan pa ang hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa panayam kay Capt. Victoriano, may dati na umanong nakaalitan ang biktima na hindi muna pinangalanan dahil hindi pa nila tiyak kung may kinalaman nga ito sa pagpatay.

Publication Source :    People's Tonight