Office staff pisat sa 18-wheeler truck

November 27, 2018

KALUNUS-LUNOS ang sinapit na kamatayan ng 26-anyos na office staff matapos mabasag ang bungo at madurog ang katawan at paa nang aksidenteng magulungan ng 18-wheeler truck kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Sa panayam kay Barangay Executive Officer Lito Cruz ng Bgy. 161, ipinasiya na lamang niyang takpan ang bangkay ni Alexander Santos, nakatira sa 362 Ruby Ville Subdivision, Baesa, upang hindi na pagkaguluhan pa ng mga usisero matapos mangyari ang aksidente dakong alas-6:58 ng gabi sa panulukan ng Reparo Road at Baesa Road, Bgy. 161.

Ayon kay Cruz, naglalakad ang biktima sa Reparo Road nang umiwas sa isa niyang makakasalubong patungo sa kalsada at hindi niya namalayan na may hilang mahabang trailer ang tractor head kaya’t nahagip ng gulong ang kanyang paa hanggang bahagyang makaladkad at magulungan ang ulo at bahagi ng katawan.

Sinabi ni Cruz na nakayuko at may kinukuhang barya sa hawak na coin purse ang biktima kaya’t hindi niya namalayan ang trailer truck nang iwasan ang makakasalubong niya sa paglakad. Ang pangyayari ay nahagip din ng CCTV ng barangay.

Sumuko naman ang driver ng truck sa pulisya na hindi na pinangalanan sa ulat matapos ang insidente habang ang Caloocan City Ambulance Rescue Team ang kumuha sa bangkay.