Overseas Filipino worker sa asawa, kalaguyo: Huli kayo

June 05, 2019

HULI sa akto ng isang overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang taksil na asawa habang nakikipagtalik sa kanyang kalaguyo sa loob ng isang apartment hotel (apartelle) kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Natunton lamang ng 35-anyos na mister na itinago sa pangalang Tony ang asawa at kalaguyo nito nang may isang kapitbahay ang nagbulong sa kanya na nakita ang kanyang misis at kalaguyo na pumasok sa Bagong Silang Apartelle sa Phase 2, Bgy. 176, Bagong Silang.

Sa kagustuhang mahuli ang 29-anyos na asawang taksil na itinago lang sa alyas “Bella”, humingi ng tulong si Tony sa mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 3 kaya’t pinasamahan ni Maj. Reymond Nicolas, hepe ng naturang presinto sa kanyang tauhan si mister.

Dakong alas-8 ng gabi nang biglang pasukin ni Sgt. Romano at Tony ang Room 216 ng naturang apartelle at huling-huli nila ang kapuwa hubo’t-hubad na si Bella at kalaguyong si Jorin Miano, 25, na nagtatalik.

Batay sa ulat, nauulinigan na umano ni Tony ang usap-usapan ng pangangaliwa ng kanyang asawa bagama’t kinailangan niya ng matibay na ebidensiya upang makasuhan ang asawa at kalaguyo.

Kasong adultery ang isinampa ng pulisya laban sa misis at sa kanyang kalaguyo sa Caloocan City Prosecutor’s Office.