Home>News>Metro>P.6M kargamento tinangay ng driver, helper

P.6M kargamento tinangay ng driver, helper

TINANGAY ng driver at ng kanyang helper ang mahigit P.6 milyong halaga ng kanilang kargamento na dapat ay idineliver nila sa isang negosyanteng buyer noong Lunes ng gabi sa Malabon City.

Miyerkules na ng hapon nang matuklasan ni Johnson Tan, 24, negosyante, residente ng 920 Asuncion St., Tondo, Manila na hindi pala dumating sa kanyang buyer na si Kevyn Sy sa Balintawak Market sa Quezon City, ang idedeliver sanang 100 sako ng monggo at 800 sako ng bawang na may kabuuang halagang P611,000 ng mga suspek na sina Marvin Enano, 24, driver at Khen Palajos, helper, kapuwa residente ng Baseco Compound, Tondo.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal ng Malabon police, kaagad na tinawagan ni Tan sa kani-kanilang mobile phone ang kanyang mga suspect subalit hindi na sumasagot ang mga ito kaya’t humingi na siya ng tulong sa Manila Police District (MPD) Station 2.Nagsasagawa na ng pagtugis ang magkasanib na puwersa ng MPD at Malabon police para sa agarang ikadarakip sa mga suspek.

Publication Source :    People's Tonight