P1.6-M shabu nakumpiska ng Quezon City Police District, 3 arestado

December 12, 2018

Nakumpiska ng mga operatiba ng Cubao Police Station ng Quezon City Police District (QCPD) ang may P1.6-milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Parañaque City noong Martes ng gabi.

Ang ‘buy-bust’ ay isinagawa dakong alas-3:50 ng gabi sa likurang hagdanan ng SM Bicutan na matatagpuan sa  Doña Soledad Avenue Ext., Bgy. Don Bosco, Parañaque City, ng Station Drug Enforcement Unit ng Cubao Police Station 7, sa pamumuno ni Senior Insp. Ramon Aquiatan Jr.

Kinilala ni Cubao Police Station (PS 7) commander Supt. Giovanni Hycenth Caliao ang mga naaresto na sina  Hermia Sala Tamyang, alias ‘Ayang’, 43, may asawa, walang trabaho, ng 4 Maharlika Village, Taguig; Fatima Hadjiruddin Saabdula, alias ‘Fat’, 33, ng 4 Maharlika Village, Taguig City, at  Hassan Uy Tamana, alias ‘Nur’, 49, may asawa, driver, ng Block 28, Lot 4, Kalinga St., Lower Bicutan.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad na malaki magtulak ng ipinagbabawal na droga ang mga nabanggit na suspek kaya matapos na maging positibo ang kanilang ‘surveillance’ ay agad nagsagawa ng ‘buy-bust’ ang mga awtoridad.

Nakumpiska sa mga suspek ang apat na plastic sachet ng shabu, dalawang piraso ng P1,000 marked money, isang kulay berdeng pouch at dalawang cellphone.

Ang mga nadakip ay nakapiit na sa Cubao Police Station habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Section 5 (selling illegal drugs), Section 11 (posession of illegal drugs) at Section 26 (conspiracy) sa ilalim ng Article 11, ng Republic Act 9165.