P68K shabu nakumpiska sa fastfood chain crew

Inaresto ng pulisya ang isang dalagang service crew ng isang fastfood chain nang makumpiskahan ng P68,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Quezon City, kahapon  ng umaga.

Ang suspek ay nakilalang si Chloei Viray, 33, tubong Rizal province na nakatira sa 3492 Varona St., Bgy. Tejeros, Makati City.

Si Viray ay dinakma dakong alas-6:30 ng umaga sa tapat ng pinapasukan nitong fastfood chain sa P. Tuazon, Barangay Tagumpay, Project 4, Quezon City.

Ayon kay PEMS Edgardo Sanchez, OIC-Chief ng Station Drug Enforcement Unit ng QCPD-Station 4, isang impormante ang nagsumbong sa kanila hinggil sa sideline na pagbebenta ng droga ng dalaga.

Isang undercover agent ng PNP na nagkunwaring bibili ng droga at habang nasa aktuwal na nagaganap ang bilihan ng shabu ay agad  pinosasan ang nasorpresang dalaga.

Nakumpiska ng pulisya sa dalaga ang tatlong transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, mark money at mga drug paraphernalia.

Nakakulong ngayon ang suspek sa QCDP Station 8 detention cell at nahaharap sa kasong drug pushing.