Pag si Lim ang nanalo, malaya mga bgy chief

TINIYAK ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim na bibigyan niya ng lubos na kalayaan o ‘full autonomy’ ang mga barangay chairman sa lungsod sa oras na siya ay maging mayor na ulit.

Ayon kay Lim, na siyang kandidato para mayor ng ruling party PDP-Laban na pinamumunuan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte,  ipatutupad niya ang isang uri ng sistema kung saan lahat ng barangay chairman ay agad na makakakuha ng kanilang budget nang di na kailangan pa ang pagsang-ayon ng City Council.

‘Nung ako ang mayor, automatic and pagre-release ng mga pondo ng barangay at kahit kelan ay hindi ko pinakialaman ang pondo at trabaho ng mga barangay.  Di na rin kailangan pa ang pirma ko para lang lumabas ang pondo. Ibabalik ko ang sistemang ‘yan,’ ani Lim.

Binigyang-diin din ni Lim na walang dahilan upang ibinbin o i-delay ang paglalabas ng barangay funds o makiusap at magmakaawa ang isang barangay chairman para lamang makuha ang pondo na talaga namang para sa kanila.

Sa ilalim ng local government code, ang mga barangay ay may karapatang share o parte mula koleskyon ng real property tax (RPT) at internal revenue ng lungsod na nakasasakop sa kanyang barangay.

Sinabi pa ni Lim na bilang halal ng taumbayan, ang mga barangay chairman at mga kagawad ay karapat-dapat sa pinakamataas na respeto bilang kapareho o co-equal dahil nakuha nila ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng mandato ng taumbayan.

Sa ilalim ng kanyang puno ay titiyakin umano ni Lim na pantay-pantay ang magiging trato sa mga barangay pagdating sa makukuhang mga tulong mula sa pamahalaang-lungsod.

Hindi lang umano pagdating sa pondo at kung paano ito gagamitin magkakaroon ng tunay at buong kalayaan ang mga chairman dahil malaya din umano ang mga chairman na bumuo ng sariling mga proyekto at pamahalaan ang mga ito, dahil sila ang mas nakakaalam kung ano ang kailangan sa kani-kanilang lugar na nasasakupan.