Pagpatay sa media man sa QC, iniimbestigahan!

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng pulisya ang pamamaslang sa isang media man at freelance account executive na pinagbabaril ng  ‘riding-in-tandem’  sa mismong harapan ng kaniyang bahay sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Ayon kay P/Captain Juan B Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay  nakilalang  si Adam Casil Moraleta, 56,  residente ng No. 20-N De Leon St.,  Barangay Holy Spirit, QC.

Si Moraleta ay dating empleyado ng Pahayagang Remate at bago ito pinatay ay sinasabing freelance account executive ng Daily Tribune at Saksi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Master Sgt. Roldan V. Cornejo,  dakong alas 8:15 ng umaga noong Huwebes nang pagbabarilin sa harapan ng bahay sa No. 15 Marcelino St., ng nasabing barangay.

Sa pahayag sa pulisya ni Christian Brazal, security guard, nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril at ng kanyang alamin ang pinanggalingan ay tumabad sa harapan niya ang duguang  nakahandusay na biktima habang nakita rin nito ang dalawang armadong suspek na mablis na tumakas sakay ng isang motorsiklo patungong De Leon St.,  ng nabanggit na barangay.

Sa eksaminasyon na isinagawa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nagtamo ng tama ng bala si Moraleta sa kanyang ulo na dahilan ng kamatayan nito.

Narekober mula sa lugar ng krimen ang tatlong basyo ng bala at dalawang live ammunition ng di-pa batid na kalibre ng baril.

Ayon sa mga awtoridad, una ay hindi nila alam na nagtratraho sa newspaper ang biktima dahil wala umanong identification card  na nakuha dito, at nalaman lang nila ito sa anak na lumutang kahapon sa kanilang himpilan ng pulisyana nakilalang si Jaered Kenan Moraleta.

Kaugnay nito ay kinondena ng pamunuan ng National Press Club (NPC) ang ‘Barbaric” na ginawang pagpatay sa Moraleta at hinihiling nito sa lahat ng law enforcement agency sa bansa na gawin ang lahat ng paraan para mabigyan ito ng hustisya.