Panghanda ng b-day natiklo ng holdaper

December 05, 2019

Nasawi ang isang lalaki nang holdapin at barilin ng mga armadong lalaki sa tapat ng isang bangko sa lungsod Quezon matapos mag withdraw ng pera na pambili ng handa para sa birthday ng kanyang ina  kahapon ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Rogelio Maliglig Lopez,  41, binata, checker ng Zenco Sales Inc., at residente ng No.159 Quirino Hi-way, Bgy. Baesa, QC.

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-5 ng umaga  (December 5), sa harap ng  Metrobank na matatagpuan sa Quirino Hi-way, Bgy. Baesa, ng nasabing lungsod.

Inutusan umano ang biktima ng kanyang ina na i-withdraw ang kaniyang ‘monthly pension’ na nagkakahalaga ng  P 11,000 upang  gamitin na panghanda ng huli  sa kaniyang kaarawan kahapon.

Nang ma-withdraw ng biktima ang nasabing halaga sa MetroBank at pauwi na ito ay bigla itong hinarang ng dalawang di-kilalang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo at agad siyang tinutukan ng baril ng rider na suspek  at nagpahayag ng holdap.

Nagtangkang tumakbo ang biktima subalit mabilis na bumaba ang isa sa mga holdaper hanggang magpambuno ang dalawa.

Dito ay bumunot na ng baril ang holdaper at binaril ang biktima saka nilimas ang nasabing halaga at agad na tumakas.

Isinugod pa ang biktima sa Quezon City General Hospital  subalit idineklara itong dead-on-arrival dakong alas-6:45 ng umaga ni  Dr. Abdulazziz B. Macala.