Home>News>Metro>Patayan dahil sa paradahan

Patayan dahil sa paradahan

NASAWI ang isang taxi driver makaraang saksakin ng nakaalitang barker matapos magtalo dahil sa paradahan sa terminal sa Quezon City Sabado ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Nilo Dela Cruz, 46, taxi driver, at residente ng 124 Cotabato St., Salam Mosque Compound, Bgy. Culiat, Quezon City. Nakatakas ang suspek na si Sonny Rances, 52, naninirahan sa 678 EDSA, Cubao.

Sa imbestigasyon ni PSSg Bienvenido Ribaya III, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 7 p.m. ng November 21, 2020 ng maganap ang pananaksak sa harap ng Mang Inasal sa EDSA corner Monte De Piedad, Barangay Immaculate Concepcion, QC.

Una dito ay nagtalo umano ang biktima at ang suspek tungkol sa regulasyon sa paradahan na ipinatutupad sa terminal ng taxi at public utility van sa harap ng Mang Inasal sa nasabing barangay.

Matapos ang argumento sa pagitan ng dalawa, kinausap ng biktima ang kaniyang kapwa taxi driver na si Reynaldo Miralles.

Lingid sa kaalaman ng biktima, habang nakikipag-usap siya kay Miralles ay kumuha ng patalim ang suspek at muling nagbalik saka ilang ulit siyang inundyan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Naisugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang 7:30 p.m., ayon sa attending physiscian na si Dr. Edison Ramos.

Tinutugis pa ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.

Publication Source :    People's Tonight