Preso nakapuga nga ba?

October 06, 2019

MAUGONG na maugong ang umano’y ginawang pagpuga ng isang preso sa Caloocan City Jail (CCJ) matapos umanong malusutan ang nag-iisang escort na nagsama sa kanya sa isang pagamutan sa Quezon city upang isailalim sa dialysis treatment kamakalawa.

Mariin namang itinanggi kamakalawa ng gabi ng CCJ sa pamamagitan ng matipid na mensahe sa text ni JO1 Kaila Ego-Uga, tumatayong public information officer, sa pagsasabing “wala pong nakatakas”.

Pinanindigan naman ng impormante ang nangyaring pagtakas bagama’t kamakalawa rin aniya ng gabi ay isinuko na rin ng kanyang pamilya ang pumugang person deprived of liberty (PDL) sa takot na may mangyaring masama sa isa pang miyembro ng kanilang pamilya na nakadetine rin sa pasilidad.

Ayon sa impormante, isinugod sa isang pagamutan sa labas ng CCJ ang PDL upang isailalim sa dialysis treatment at habang nasa loob ng pagamutan, kumain muna sa labas ang jail guard na nagsilbing escort na naging daan upang makatakas ang detenido.

Bunga rin ng nangyaring pagpuga, ipinagbawal umano ng bagong upong warden na si Supt. William Manengyao ang dalaw noong araw ng Sabado bagama’t pinayagan na rin kahapon makaraang isuko umano ng pamilya ang pumugang PDL.

Ilang ulit namang tinangkang kuhanan ng paliwanag ang pamunuan ng CCJ subalit bukod sa maikling tugon na walang nakatakas, hindi na sumagot sa tawag o text ang public information officer.