Pulis pinagbabaril habang kumakain sa Quezon City resto

Hindi na nagawang maubos ng isang pulis ang kanyang kinakain matapos pagbabarilin habang kumakain ng mami sa isang restaurant sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Namatay noon din ang biktimang si SPO2 Venancio Ramos Hidalgo Jr., 39 anyos, may asawa, nakatalaga sa PNP Police Security and Protection Group, tubong Ilocos Sur at naninirahan sa 1029 PSBA Aurora Blvd., Bgy. Escopa III, Cubao, QC, sanhi ng tinamong maraming tama ng bala ng .cal 45 sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Julius P. Raz ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang pamamaril ay nangyari dakong alas-9:25 ng gabi sa harap ng Souper Bulls Restaurant na matatagpuan sa No. 3 J. P. Rizal Avenue, Bgy. Marilag, ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng mga nakasaksi sa krimen, abala umano ang pulis na kumakain nang sumulpot sa kaniyang likuran ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo na walang plaka at bigla na lamang itong sunud-sunod na pinaputukan ng baril.

Agad na tumakas ang suspek sakay ng kanyang get-away motorcycle patungong Aurora Blvd. dala ang armas  na ginamit sa pamamaril.

Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni PSr. Insp. Joseph Infante sa crime scene ang dalawang fired catridge cases ng .cal 45 at mga basyo ng bala, sling bag ng biktima na may ilang identification cards, isang Pietro Berretta cal. 9mm (serial number M25 325Z), at extra magazine na naglalaman ng 14 live ammunitions.

Masusing iniimbestigahan pa ng pulisya ang naganap na krimen kung ano ang motibo sa pamamaril  at naghahanap na sila ng CCTV footage upang agarang madakip ang nakatakas na ‘gunman.’

Hinihinala naman ng mga awtoridad na posibleng may kinalaman sa trabaho ng biktima ang nangyaring pamamaslang dito.