Pulis pinamalengke muna bago pinatay!

November 30, 2018

ISANG pulis ang mistulang pinamalengke pa ng sahog para sa handa ng misis na kakatapos lang ang kaarawan bago pinagbabaril hanggang mamatay sa harap ng kanyang bahay sa Pasig City Huwebes ng gabi.

Sa isang report na isinumite kay  Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Bernabe Balba, kinilala ang napatay na pulis na si PO2 Manuel  Melendrez 111, 48, na nakatalaga sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa National Capital Region Police Office.

Si Balba ay bumuo ng isang “Special Investigation Task Group (SITG) Melendrez” na mag-iimbestiga ukol sa pagpatay sa naturang pulis.

Si Melendez ay idiniklarang ‘dead upon arrival’ sa Tri City Medical Center sa Pasig City dahil sa tatlong tama ng baril sa katawan. Ang dalawang tama sa kanyang likod ang matindi. Ang kanyang misis ay di nakaligtas at walang tinamong kapansanan.

Sa inisyal na imbistigasyon na isinagawa ni PO2 Ricardo Alapitan, dakong alas-ll:45 ng hapon nang dumating ang mag-asawa mula sa Pasig Public Market sa kanilang tinitirhan sa Melendrez Compound, Bgy. Caniogan , Pasig lulan sa kanilang itim na Starex van.

Sinabi ni Alapitan na bumaba ang pulis para buksan ang pintuan ng sasakyan nang may sumipot na di nakilalang mga suspek sa likuran at bigla na lamang pinagbabaril sa likod ang biktima.

Mabilis na bumaba ang asawa mula sa sasakyan at nakita ang kanyang mister na duguan.

Pagkatapos ng pamamaril ay nagsitakas ang mga suspek habang isinugod naman ang biktima sa ospital.

Nakarekober ang  Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng tatlong basyo ng bala mula sa lugar ng krimen.

Sinabi ng pulisya hindi pa alam kung ano ang  hitsura ng mga suspek dahil hindi pa nila nakukuha ang pahayag ng asawa ng biktima.

“Yung pulis at asawa kagagaling lang ng palengke at bumili ng pangsahog sa lulutuin bopis nung pulis sa kanyang misis na katatapos lamang magdiwang ng birthday, hindi nila alam na pag-uwi nila may nakaabang na sa kanila,” sabi ni Alapitan.

Hindi pa masabi ng pulisya kung ang pagpaslang kay PO2 Melendrez ay may kaugnanyan sa kanyang trabaho bilang pulis.

Pero sabi ni  Balba na isang nagngangalang  “Buboy Melendrez” ang nasa talaan ng  drug watchlist.

Nabatid din ng pulisya na ang biktima ay may malaon nang ’di pagkakaunawaan sa kanyang isang kamaganak ukol sa lupa sa Pasig City.

“Marami tayong tinitignang anggulo kung trabaho o personal, may nakalagay kasi sa drug watchlist yung pangalan na “Buboy Melendrez” na  palayaw din nung napatay na pulis,” sabi ni Balba.

Hiniling din nila na bigyan sila ng kopya ng footage closed-circuit television cameras na nasa Bgy. Caniogan.

Ang napatay na pulis ay sinasabing kabilang sa mga pamilya ng mga pulis. Ang kanyang kapatid na si Manuel Melendez Jr., na isa ring pulis, ay iniulat na napatay sa Cavite City may ilang taon na ang nakalipas.