Quezon City cop namaril ng kapitbahay, nahaharap sa kasong frustrated homicide

December 05, 2018

Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang isang pulis matapos na barilin ang kanyang kapitbahay na una nang sumaksak sa kanya nang tanggihan niya ang inaalok na isang tagay na alak kamakalawa ng gabi, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Station 3, ang insidente ay naganap dakong alas-6:30 ng gabi nu’ng Martes sa Aratiles St., Purok 4, Bgy. Culiat, QC.

Napadaan umano si   PO1 Benjamil Romoros Saransaman, 25, may asawa na nakatalaga sa QCPD Batasan Police Station 6, tubong Marawi City at residente ng 31 Purok 4-B, VDS HOA, Luzon Ave., Bgy. Culiat, QC, sa tapat ng bahay ni  Raymond Diliera Tongol, 30, may live-in partner, self-employed, at naninirahan sa Aratiles St., Purok 4 ng nasabing barangay, na noon ay nakikipag-inuman sa kanyang mga pinsan na nakilalang sina Reygan at Jerson.

Tinawag umano ni Tongol ang nasabing pulis at inalok na tumagay muna subalit ikinagalit iyon ni Saransaman at nagbantang babalikan siya nito.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay bumalik ang pulis na armado na umano ng caliber 9mm Piettro Berreta pistol at binaril si Tongol at tinamaan ng bala sa kanang hita.

Pero ayon naman kay Saransaman, nagres-ponde lamang siya sa inuman ng magpipinsang Tongol dahil pinagtripan at binastos umano ng mga ito ang kapatid ni-yang si Marben Saransaman.

Pagdating umano niya sa harap ng bahay ni Tongol ay nakita niya na may hawak na itong patalim at bigla na lamang siyang sinugod ng saksak sa tiyan pero mabilis naman siyang nakaiwas kaya mababaw lamang ang tinamo ni-yang sugat.

Nang muli umanong aatekehin ng saksak ni Tongol ang pulis ay binaril na ito ng huli at tinamaan sa hita.

Dahil dito kinasuhan ni Tongol si PO1 Saransaman ng frustrated homicide habang sinampahan naman ng pulis ang una ng attempted homicide sa Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD.