Revilla: Salamat INC

May 09, 2019

NAGBUBUNYI si ex-Sen. Bong Revilla nang lumabas na ang resulta ng mga resulta na pinakahihintay ng mga kandidato ang maisali sa listahan ng iboboto ng Iglesia Ni Cristo (INC).

Ang pag-anunsiyo ng INC sa mga kandidatong kanilang dadalhin ay isang malaking basehan kung sila ay mananalo sa darating na eleksiyon dahil sa solid na botong inihahandog ng INC.

Dahil dito ay taos-pusong pasasalamat ang agad na ipinarating ni Revilla sa pamunuan ng INC dahil muli ay pinagkatiwalaan siya sa kabila ng kaniyang pinagdaanan.

Sinabi pa ni Revilla na hindi sapat ang salitang salamat lamang sa ligayang kaniyang nararamdaman lalo pa at napakalakas din ng puwersa ng mga kalaban niya sa pulitika na hindi tumitigil at gumagastos para lamang siya ay siraan.

Buong-puso rin ang pagpapasalamat ni Revilla sa INC dahil sa hindi ito nagpadala sa black propaganda ng mga taong may kagagawan kung bakit siya nakulong ng apat na taon at anim na buwan sa Custodial Center ng Camp Crame ngunit pinawalang-sala din ng Sandiganbayan.

Inindorso rin si Revilla ni Bro. Mike Velarde ang founder at “servant leader” ng Philippine-based Catholic charismatic movement na mas kilala sa tawag na El Shaddai.

Nasundan pa ito ng pag-indorso ng Independent Bishops Conference of the Phillippines at iba pang religious organization na nangako ng malaking suporta para kay Revilla dahil naniniwala silang wala  itong kasalanan at biktima lamang ng maduming pulitika at maduming pulitiko.