Home>News>Metro>Rider nagulungan ng 12-wheeler truck, dedo

Rider nagulungan ng 12-wheeler truck, dedo

NASAWI ang isang rider matapos magulungan ng 12-wheeler truck habang magkasabay na bumabaybay sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa nagrespondeng miyembro ng QC Task Force Disiplina, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng nakuhang ID sa kaniya na si Reymond Uayan.

Sa inisyal na report sa QC Traffic Sector 5, patungo umano ang driver ng truck na si Darwin Barilla, sa Antipolo City galing Commonwealth Avenue nang maramdamang may tumama sa likurang bahagi ng kaniyang sasakyan.

Kasabay nito ay narinig na lamang ni Barilla na binubusinahan siya ng mga kasabay na motorista, kaya inihinto niya ang truck at doon ay nalaman niyang may natamaan siyang nagmomotorsiklo at pumailalim ang rider sa truck.

Sinabi naman ng maga nakasaksi sa aksidente, nakita nilang pagewang-gewang ang motorsiklo ng biktima bago ito tumama sa truck at natumba, napailalim at nagulungan ng sasakyan.

Nakapiit na ang truck diriver sa QC Sector 5 kung saan ay iginiit nito na hindi umano mabilis ang kaniyang pagpapatakbo nang mangyari ang aksidente.

Publication Source :    People's Tonight