Riding-in-tandem pinagbabaril dating pulis, dedo

December 16, 2018

Pinagbabaril ng ‘riding-in-tandem ang isang dating pulis habang naglalakad sa Quezon City kahapon ng hapon.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang biktima ay nakilalang si PO2 Arthur Cordero, dating pulis na huling natalaga sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng Manila Police District (MPD), ngunit sinasabing idineklarang AWOL o Absent Without Official Leave noong taong 2015.

Sa inisyal na report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), pasado ala-1 ng hapon (December 16), nang maganap ang pananambang sa bahagi ng Calavite St., sa La Loma ng nasabing lungsod.

Naglalakad lamang umano ang biktima sa lugar at abalang nagti-text nang bigla na lang itong targetin ng dalawang suspek, na lulan ng motorsiklo.

Dead-on-the spot ang biktima dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo at likod habang mabilis namang nakatakas ang mga suspek matapos ang krimen.

Kasalukuyan naman nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagpatay upang matukoy kung sino ang may kagagawan nito, gayundin ang kanilang motibo sa krimen.

Nito lamang nakaraang araw ay pinagbabaril din ng riding-in-tandem hanggang sa mapatay si P/Insp. Romeo Nicolas Tandas, 49 –anyos, nakatalaga sa District Tactical Operation Unit (DTOC), at nakatira sa  Block 7, Lot 3, Purok 14, Kilyawan St., Brgy. Commonwealth, QC.