Sanggol lumutang sa ilog

September 19, 2019

LUMUTANG ang katawan ng isang sanggol na lalaking nakasuot pa ng diaper sa Tullahan River kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.

Kasalukuyang ginagawa ang dike ng ilog sa bahagi ng F. Bautista St. Bgy. Marulas nang mahulog sa tubig ang ginagamit na hagdan ng mga construction workers dakong ala-1:30 ng hapon kaya’t nilusong ito ng dalawang trabahador na sina Jomar Garcia at Erwin Driz.

Nagulat ang dalawa nang makita ang bangkay ng isang sanggol na lalaki na diaper lamang ang saplot sa katawan at lumulutang sa ilog kaya’t iniahon nila ang biktima at kaagad na iniulat sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 3.

Nagresponde naman sa lugar ang mga tauhan ng PCP3, kasama ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), hanggang sa dinala ang patay na sanggol sa PNP Crime Laboratory para isailalim sa autopsy examination upang alamin ang sanhi ng pagkamatay.