Seaman nagsamantala sa hipag natiklo ng pulis

March 14, 2019

DINAKIP ng pulisya ang 24-anyos na seaman makaraang gapangin at pagsamantalahan umano ang kanyang hipag kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief Senior Supt. Rolando Balasabas, naganap ang umano’y panghahalay sa bahay ng 24-anyos na biktimang itinago sa pangalang Jenny sa Barangay North Bay Boulevard South.

Sa inisyal na ulat ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) nasa loob ng kanyang silid si Jenny nang gapangin siya ng kanyang bayaw na si Jeremiah Quimba dakong alas-8 ng gabi.

Ayon sa salaysay ng biktima sa pulisya, sinimulan siyang halikan ng kanyang bayaw sa kanyang labi at leeg, gumapang ang mga kamay sa maselang bahagi ng kanyang katawan hanggang tuluyan nang mailugso ang kanyang pagkababae.

Hindi naman inilagay sa ulat ng pulisya kung tinakot ng suspek ang kanyang hipag o pinuwersa ang biktima kaya’t naisagawa ang panghahalay.

Nagpasiya lang si Jenny na maghain ng reklamo sa pulisya kaya’t dinakip ang suspek na hindi nagbigay ng kanyang pahayag.