Sikyu arestado sa panghihipo ng 2 estudyante

August 07, 2019

ARESTADO ang isang security guard matapos pag-tripang hipuan ang dalawang estudyanteng babae na naglalakad ng pauwi kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Posibleng masibak sa trabaho bilang security guard ng isang bantog na pawnshop ang suspek na si Arnel Geraldino, alyas “Totoy”, 32, at residente ng Bgy. Taliptip, Kataasan, Bulacan, Bulacan makaraang ireklamo ng dalawa niyang naging biktima.

Batay sa ulat ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), sakay ng kanyang bisikleta si Geraldino at tinatahak ang Deato Road sa Brgy. Balangkas dakong alas-8:05 ng gabi nang makita niya ang unang biktimang itinago sa alyas na Rose na kalalabas lamang sa pinapasukang pamantasan sa Nuestra Señora De Quia Academy.

Bigla na lamang dinakma ni Geraldino at bahagyang pinisil ang malusog na dibdib ng dalaga bago mabilis na tumakas patungo sa gawi ng Balangkas Bukid Subdivision sa Deato Road.

Sa naturang subdivision naman namataan ni Geraldino ang isa pang estudyanteng dalagita na itinago sa alyas “Ellen” na naglalakad sa lugar at dahil muling nabighani, walang kaabog-abog na dinakma niya ng isang kamay ang malusog na dibidb ng biktima na sa labis na takot ay nagsisigaw at humingi ng tulong.

Nakatawag pansin naman ang paghingi ng tulong ni Ellen sa mga naka-tambay na kalalakihan kaya’t nagtulong-tulong silang habulin ang suspek at nang madakip ay dinala sa kanilang barangay.

Dito na rin siya nakita ng isa pa niyang biktimang si Rose na una niyang hinipuan kaya’t humingi rin ng tulong sa barangay.
Dinala ng mga opisyal ng barangay sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 5 si Geraldino na ngayon ay nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness.