Snatcher timbog

April 16, 2019

ARESTADO ang 29-anyos na snatcher makaraang makahingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga pulis ang biktima kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Hindi na nakapalag si Jayson Andres ng 308 Barangay Daanhari nang masakote siya ng mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 5 na nagkataong nagpapatrolya sa lugar kung saan nangyari ang panghahablot.

Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela Police chief P/Col. David Nicolas Poklay, naglalakad pauwi ang biktimang si Gen Vincent Fabro, 25, office staffer at nakatira sa 14 M.H. Del Pilar St., Barangay Palasan dakong 2:30 ng madaling araw nang mapansin niya ang pagsunod ng isang lalaki sa kanyang likuran.

Nang lingunin ni Fabro ang lalaki, biglang hinablot nito ang kanyang hawak na cellular phone na nagkakahalaga ng P42,000 kaya’t nagsisigaw siyang humingi ng tulong na nakatawag pansin naman kay Mark Leonell Littaua, 38, factory worker, kaya’t tinangka niyang tumulong subalit binantaan siyang sasaksakin ng suspek.

Nagkataon namang nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng PCP-5 na nakapansin sa komosyon kaya’t nagawa nilang mahabol at mahuli ang suspek.

Nabawi kay Andres ang hinablot na mobile phone ng biktima, pati na ang patalim na ginamit niya sa tangkang pananaksak kay Littaua.       Edd Reyes
Kasong robbery with physical injury, grave threat at paglabag sa Comelec Resolution 10429 o illegal na pagdadala ng nakamamatay na armas ang isinampa ng pulisya laban sa nadakip na suspek.