Street sweeper inararo ng Ford wagon sa QC

Nasawi ang isang 60-anyos na street sweeper ng City hall nang araruhin ng  rumaragasang wagon sa Bgy. Payatas, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala  ni PMSgt. Edgardo Talacay, deputy ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Marilyn Flora Pareño, residente ng Sorsogon St., Group 6,Area B, Bgy. Payatas, QC.

Kusa namang sumuko sa pulisya si Charmaine Balosoto Ybañez, 25–anyos, dalaga, call center agent, naninirahan sa Blk. 5 Lot 18, Phase 3A Eastwood Greenview Subd., Bgy San Isidro, Montalban, Rodriguez, Rizal, at nagmamaneho ng Ford Everest Wagon (TSI-825).

Batay sa inisyal na  imbestigasyon ni PSSgt. Leonardo T. Policarpio, dakong alas–5:30 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Payatas Road, QC.

Mula sa Litex Road, matulin na binabaybay ang Payatas Road ni Ybañez patungo sa direksiyon ng Montalban, Rizal subalit bago sumapit sa Leyte St., ay nahagip si Pareño na noon ay abala sa pagwawalis  sa kalsada sa kanto ng Samar St., Bgy. Payatas.

Nabatid na naisugod pa sa General Malvar Hospital ang biktima  subalit idineklara siyang dead–on–arrival dahil sa tinamong pagkabali ng tuhod at grabeng  pinsala sa ulo at  katawan.

Nakapiit ngayon ang lady driver sa QCPD Sector 5 habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to properties laban sa kanya.