Student nagbigti sa banyo

Natagpuang nakabigti ang isang working student sa loob ng banyo ng nirerentahang boarding house sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni P/Capt. Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Neil Begino Borja, 31, binata, working student, tubong Naga City at residente ng No. 40 V. Francisco St., Bgy. Krus na Ligas, QC.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Julius Binasoy, ng CIDU-QCPD, natagpuan ang nakabigting katawan ng biktima sa loob ng banyo ng kaniyang nirerentahang boarding house dakong alas-5:45 ng hapon nuong Huwebes.

Batay sa pahayag sa pulisya ni John Daniel Campbel, boardmate ng biktima, huli niyang nakita itong buhay bandang alas-2:30 ng hapon, at nagpaalam na kukuha lamang umano siya ng sweldo.

Ayon naman sa kaklase ng biktima na si Mark David, nagtungo siya sa boarding house  ni Borja upang sunduin ito dahil may usapan sila na magkikita at sabay na magdi-dinner.

Subalit halos ilang minuto na umanong kumakatok si David sa boarding house ng kaklase ay walang nagbubukas ng pintuan kaya minabuti niyang tawagan ito sa cellphone subalit hindi rin ito sumasagot.