Sunog: 2 patay

January 08, 2019

PATAY ang dalawang babae habang may 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumupok sa may 50 kabahayan kahapon ng hapon sa Parañaque City.

Kinilala ang mga biktimang sina Maira Jocelle Maglakas Jinao, 26, na natagpuan sa loob ng banyo ng isa sa mga nasunog na bahay at Cristy Riosa Miranda, 54, na naisugod pa sa Ospital ng Parañaque makaraang bumagok ang ulo nang masagi ng mga nagtatakbuhang residente.

Ayon kay Parañaque City Fire Marshal Chief Insp. Jerlin Sales, sumiklab ang apoy sa Saint Mary Compound, Daang Batang, Bgy. Moonwalk dakong alas-3 ng hapon at mabilis na kumalat sa mga kabahayan na pawang gawa sa light materials.

Alas-5 na ng hapon nang ideklarang fire out ang sunog at dito na nadiskubre ang bangkay ni Jinao.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog at ang halaga ng pinsalang natupok ng apoy.