Suporta ni Poe, Erice vs jeep phaseout ipinagbunyi

July 10, 2020

LUBOS na ikinalulugod ng  transport group Pinagisang Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang pagpapahayag ng suporta nina Sen. Grace Poe at Rep. Edgar Erice para sa panawagan ng mga driver, operator at commuter laban sa jeepney phaseout. 

Ayon kay Poe, senate committee chair on public services, ang mungkahing Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ay dapat na magkaroon ng probisyong magbabawal sa anumang uri ng phaseout sa mga public utility jeepneys.

Kung noon pa ma’y kulang-kulang na ang pampublikong transportasyon, naninindigan si Poe na dagdag na pahirap lamang ngayon sa mga manggagawang nagbabalik-trabaho ang kawalan ng masasakyan.

Sa gitna ng paglobo ng bilang ng mamamayang nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemiya, aniya’y hindi na dapat idagdag sa bilang na ito ang mga jeeney driver.

Sinagot naman ni Erice, ng house committee on Metro Manila development, ang sinabi ni DOTr Asst. Sec. Alberto Suansing na mga jeep daw ang pangunahing dahilan ng trapik sa kamaynilaan.

Ani Erice anti-poor ang pampublikong transportasyon sa bansa at hindi phaseout sa mga jeep o bus ang makakasagot sa problemang kinakaharap ng mga commuter.

“Ikinalulugod ng PISTON ang lahat ng pagpapahayag ng suporta sa laban ng mga drayber at operator ng jeep. Bukod dito ay patuloy kaming nananawagan sa iba pang mambabatas na tignan ang kalagayan ng mga jeepney drayber na mag-aapat na buwan nang gutom at walangpinagkakakitaan. Simple lamang ang aming hinihingi, ibalik sa pamamasada ang lahat ng jeep sa dating mga ruta, ibigay ang ayudang hindi pa natatanggap at magpatupad ng masstesting para sa ligtas na biyahe,” ani Mody Floranda, tagapangulo ng (PISTON).

Magmula nang ilunsad ng mga driver ang unang Busina para sa Balik-Pasada ay wala na itong ibang inani kundi suporta mula sa iba’t ibang sektor ng mamamayan.

Taos sa puso ang pasalamat ni Floranda, (PISTON), mga driver, operators at commuter kina Poe, Erice at sa mga sumusuporta para makabiyahe na ang mga jeepney at ma suportahan ang kanilang mga pamilya.