Home>News>Metro>Tiyo pinagtanggol ang pamangkin, namaril

Tiyo pinagtanggol ang pamangkin, namaril

NAARESTO ng pulisya ang isang lalaki dahil sa walang habas na pamamaril kung saan tatlong katao ang sugatan nitong nakaraang Pasko sa kanilang barangay sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang suspek na si Carlito Revillame, nasa hustong gulang, ng Bgy. Pag Asa, QC.

Ang mga biktimang nasapol ng bala ng baril ng suspek na sina Gilplicio Costona, Romnick Andor at Jessie Boy Aguas, pawang taga-Brgy. Pag-Asa, ay kasalukuyan pang inoobserbahan sa East Ave Medical Center (EAMC).

Sa report, bandang ala-1:15 ng umaga (December 25), 2020, nakipag-iinuman umano ang pamangkin (di-binanggit ang pangalan) ng suspek sa tatlong biktima nang magkaasaran sa gitna ng debatehan hanggang pagtulungang bugbugin ang una.

Dahil sa nag-iisa ay tumakbo ang pamangkin ng suspek habang nagbabanta na “BABALIK KAMI“.

Makalipas lamang ilang minuto ay bumalik ang pamangkin sa inuman kasama si Revillame na armado ng baril at walang habas na nagpaputok sa lugar ng mga biktima.

Tumakas ang suspek matapos ang pamamaril pero naaresto rin ito nang dalawin ang pamangkin na nagpapagamot sa EAMC dahil sa tinamong mga pasa at sugat sa katawan.

Publication Source :    People's Tonight