Home>News>Metro>Trike driver kalaboso sa P1K suhol sa pulis

Trike driver kalaboso sa P1K suhol sa pulis

KALABOSO ang tricycle driver na una ng natikitan ng pulis sa paglabag sa traffic restriction code matapos balikan ang mga pulis at suhulan ng P1,000 kapalit ng pagbawi sa kanyang ordinance violation receipt (OVR) Huwebes ng madaling araw sa Malabon city.

Ayon kay P/Col. Joel Villanueva, hepe ng Malabon city police, dakong alas-5:47 ng madaling araw nang sitahin nina Cpl. Bengie Nalogoc at Cpl. John Carlo Mata ng Malabon Police Sub-Station 6 si Leonardo Dela Cruz, 47, habang patungo sa binabantayan nilang lugar sa Estrella St., Brgy. Tañong, na kabilang sa quarantine control point (QCP) sa lungsod.

Natuklasan ng mga pulis na nagmula pa sa Navotas City si Dela Cruz at pumasok sa lungsod ng Malabon na isang paglabag sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) kaya’t inisyuhan siya ng OVR ni Nalogoc at pinabalik mula sa kanyang pinanggalingan.

Gayunman, ilang sandali lamang ay bumalik si Dela Cruz at inalok ng areglo ang mga pulis, sabay abot sa P1,000 bilang suhol.

Dahil dito, inaresto na siya ng tuluyan ng mga pulis at dinala sa Station Investigation Unit ng Malabon police upang ireklamo kaugnay sa paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code o ang Corruption of Public Official.

Publication Source :    People's Tonight