Umaawat sa away, SK kagawad sinaksak ng basag na bote sa QC

November 03, 2019

Malubhang nasugatan ang isang kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK)  makaraang saksakin ng basag na bote habang umaawat umano sa away ng kaniyang mga kapitbahay sa kaniyang nasasakupang barangay sa Project 4, Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.

Ang biktima na si John Crisanto Bejo, 21-anyos, binata, SK Kagawad ng Bgy. Escopa 2 at residente ng Blk 29, Lot 5, Bgy. Escopa 2, Project 4, QC ay patuloy na inoobserbahan sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) dahil sa ‘avulsed wound posterolateral chest’.

Agad namang nadakip ang suspek na  nakilalang si Errol Castor Lim, 51, mananahi, may asawa ng Blk 21, Lot 7, Bgy. Escopa, Proj. 4 ng nasabi ring lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Juvy Fallesgon, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang insidente ay naganap dakong alas-2:15 ng madaling araw, sa Top Side Road ng naabing barangay.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, bilang kagawad ng  SK ay inawat umano ng biktima ang suspek at dalawang lalaki na nagkakagirian.

Subalit sa halip na paawat ang suspek ay  ang   kagawad ang pinagtuunan nito ng galit at sinaksak ng bote sa likuran.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay agad na isinugod ng kaniyang mga kapitbahay sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) at hanggang ngayon ay inoobserbahan pa dahil sa ‘avulsed wound postero lateral chest’, ayon kay Dr. Gizelle Bea U. Estrella.

Matapos ang pananaksak ay boluntaryo namang sumuko ang suspek sa pulisya at sinabing pinagtulungan siyang bugbugin ng nasaksak na SK kagawad at ng dalawang kasama nito.