Umiwas sa kambing, driver ng motorbike bagsak, dedo

January 10, 2019

DAHIL sa biglang pagtawid ng isang kambing, sumemplang sa minamanehong motorsiklo ang isang rider at kanyang kaangkas na nagresulta sa pagkamatay ng una kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Kapuwa isinugod sa Muntinlupa City Medical Center sina Ferdinand Argame at kanyang ka-angkas na si Manuel Ramos matapos na tumilapon sila sa sinasakyang Rusi motorcycle dakong alas-8:15 ng umaga nang umilag sa biglaang pagtawid ng kambing.

Namatay habang ginagamot sa naturang ospital si Argame sanhi ng matinding pinsala sa ulo habang nakaratay at inoobserbahan pa si Ramos na nagtamo rin ng matinding sugat sa katawan at ulo.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Muntinlupa police chief Senior Supt. Gerry Umayao, binabagtas ng dalawa ang kahabaan ng Rizal Street sa PNR Site nang biglang tumawid ang kambing.

Dahil mabilis ang takbo ng motorsiklo, tinangka nilang umiwas subalit nawalan ng kontrol sa manibela si Argame kaya’t kapuwa sila tumilapon nang sumemplang ang motorsiklo.

Inaalam na ng pulisya kung sino ang nagmamay-ari ng tumawid na kambing na posibleng panagutin sa nangyaring aksidente.