Video ng Chinese woman na nagwala nag-viral

July 08, 2020

NAG-VIRAL sa social media ang kuha ng ginawang pagwawala ng isang babaing Chinese na humambalos sa isang biker ng hawak niyang payong at nakipagsagutan sa traffic enforcer na kanyang unang hinataw matapos siyang awatin sa pagwawala kamakalawa ng hapon sa Makati city.

Pinosasan at inaresto nina Makati traffic enforcers Narciso Abrogar at Ronel Cancio ang babaing Chinese na si Dong Li, 27, nanunuluyan sa SM Jazz Mall sa N. Garcia St. Brgy. Bel Air makaraang duraan pati ang isang security guard na nagtangkang tumulong sa traffic enforcer.

Nangyari ang insidente dakong alas-5:15 ng hapon sa kanto ng Jupiter St. at Makati Avenue matapos tumawid sa pedestrian lane ang dayuhan kahit pula na ang ilaw para sa mga tatawid kaya’t napilitang huminto ang mga sasakyan na naging dahilan ng pagsikip ng trapiko.

Dahil dito, nilapitan ng mga traffic enforcer si Li subalit nakipagmatigasan pa ang dayuhan at nanghalihaw ng hawak niyang payong hanggang pati ang biker na si Jefferson Sosa, 27 na nagdaraan lang ay hinataw na naging dahilan ng pagtatamo ng sugat sa leeg.

Hindi pa rin naawat sa pagwawala si Li at pati ang mga dumaraang sasakyan ay hinahataw niya ng payong kaya’t nagpasiya na ang mga traffic enforcer na posasan at arestuhin siya.

Kasong physical injury at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Disobedience ang kasong isinampa laban sa dayuhan sa Makati City Prosecutor’s Office.