Worker kinasuhan asawa ng adultery

August 04, 2019

SINAMPAHAN ng kasong pangangalunya o adultery ng isang factory worker ang kanyang asawa at kasamahan nito sa trabaho makaraang mahuli niya ang dalawa na naninirahan na sa isang bubong kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.

Kaagad na humingi ng tulong sa Parañaque City police ang biktimang itinago lamang sa alyas “Joseph” 24, ng Barangay Ugong, Valenzuela City matapos niyang matunton ang asawa at kalaguyo nito sa isang tinutuluyang boarding house sa Silverio Compound, Bgy. San Isidro sa naturang lungsod dakong alas-5 ng hapon,

Sa ulat na tinanggap ni Parañaque police chief P/Col. Rogelio Rosales sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD), kasal at lehitimong mag-asawa si Joseph at ang 22-anyos na si “Gina” (hindi tunay na pangalan) subalit nang magkaroon ng trabaho ang ginang bilang promodicer, nagsimula na ang kanyang pakikipag-relasyong seksuwal sa 30-anyos na binatang si Milesuber Pacaña na isa ring promodicer.

Hindi naman binanggit sa ulat ng WCPD kung ilang taon ang itinagal ng pagsasama ng mag-asawa bago tuluyang nakisama si Gina sa kanyang kalaguyo sa tinutuluyan nitong boarding house sa Silverio Compound.