Zero billing sa ospital target ni Bong Go

January 14, 2019

KUNG mahahalal na senador sa darating na halalan sa Mayo, nais ni dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go na maisabatas ang “Zero billing” sa ospital para sa mahihirap na pasyenteng Pilipino.

Ayon kay Kuya Bong, hindi dapat pinahihirapan ang mga pasyente at kanilang pamilya sa pagbabayad sa ospital kung kayang-kaya naman itong sagutin ng ating gobyerno.

“Biruin n’yo, may mga pasyenteng makaraang makaligtas sa kanilang pagkaka-confine sa sakit... namamatay naman sa nerbiyos at problema sa laki ng babayaran sa ospital,” ang sabi ni Bong Go na kandidatong senador sa May midyeterm elections sa isang ambush interview sa kanya.

Kaya nga kahit hindi pa senador, gumawa na siya ng diskarte o paraan upang kahit papaano ay mapagaan ang buhay ng mahihirap, lalo ang mga naoospital.

Sa kasalukuyan, may 20 nang naitatayong Malasakit Center ang pamahalaang Duterte upang maging kaagapay ng mga kababayan nating nagkakasakit.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop-shop room na matatagpuan sa mga pampublikong ospital kung saan naroroon ang mga ahensiya ng DSWD, PCSO, PAGCOR at PhilHealth na lalapitan ng mga kaanak ng pasyente para makahingi ng medical at financial assistance.

“Sa Malasakit Center, hindi na kayo mapapagod at gagastos sa pagpunta sa ganito at sa ganoong ahensiya upang humingi ng tulong para sa inyong pasyente. Kami na sa gobyerno ang lalapit para maging kaagapay ninyo,” ang sabi ni Go.

Marami ang pumupuri at natutuwa kay Kuya Bong dahil siya ang nakaisip ng ideyang ito at nasimulan na noon pang Setyembre ng nakalipas na taon.

Ang ika-20 Malasakit Center ay itinayo sa Batangas na tinubuan ng angkan ng kanyang ina na pamilya Tesoro.

Ani Go, naisip niya ang pagtatayo ng Malasakit Center dahil na rin sa naging karanasan nila noon ni Pangulong Duterte nu’ng mayor pa lamang ito ng Davao City.

“Naluluha ako kapag nakikita ko ang mga tao na nakapila sa munisipyo para makahingi ng assistance, lalo ang mga may karamdaman. Bakit sila pa ang kailangang pumila gayong puwede namang ilapit na sa kanila ang kailangan nilang assistance?” ang sabi ni Go.

Dahil dito, sinabi ni Kuya Bong na sa kanyang pagtakbo sa Senado ay isusulong niya ang libreng pagamot, zero billing at pagpapaganda ng medical facilities at equipment sa mga pampublikong ospital.

Laging napapansin ni Kuya Bong na kulang sa hospital beds ang mga ospital at paminsan, may tatlong pasyente sa iisang higaan.

“Karapatan ng bawat Pilipino ang magkaroon ng maayos na pasilidad sa kanilang pagpapagamot kaya hindi tayo titigil hanggang hindi ito magkatotoo,” pahabol niya.