Zero jeep phaseout, balik pasada hiniling

July 13, 2020

NAGKASA muli ang mga driver at small operators ng “Busina Para sa Balik-Pasada” sa layong ipanawagan ang 100% Balik-Pasada at Zero Phaseout ng mga jeepneys.

"Bagamat nagbukas ang ilang mga ruta at pinayagang bumiyahe ang humigit-kumulang 6002 na jeep, nananatiling mas mababa sa 10% ng kabuuan ang nakabalik sa kalsada." ani Ka Ruben Baylon, deputy secretary general ng Pinagisang Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).

Ayon sa grupo marami sa mga driver ang baon sa utang ngayong lockdown kaya't nangangailangan ng assistance upang gawing Covid-proof ang kanilang mga PUJ. Dagdag  dito ang kabawasan sa kita dahil sa 50% reduced capacity ng mga trips.

"Handa ang PISTON tumalima sa health protocol ngunit may kalabuan ang guidelines ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) pagdating sa kalusugan at talagang ginagawan na lamang nila ng paraan para talaga makabyahe na," saad ni Baylon.

Lubhang nakakalito rin para sa mga driver ang iba pang rekisitos tulad ng QR code, saad ni Babylon.

Iginiit din ng mga driver na dapat payagan pumasada lahat ng jeep na may prangkisa kung "roadworthiness" lang rin naman ang usapin.

“Mahigit 90% pa ang walang kabuhayan at walang ayuda sa gobyerno. Nagpapasalamat kami sa ating mga kababayan na patuloy na nagpapa-abot ng tulong para makatawid sa gutom ang ating mga kapatid na drayber at maliliit na opereytor. Subalit higit na kailangang ang sama-samang pagkilos para itulak ang obligasyon ng gobyerno. “

Matapos ng Busina Para sa Balik-Pasada, nagtipon ang mga driver at operator para sa asembleya ng Balik-Pasada Network - isang multisektoral na alyansa na magsusulong ng kampanya para sa balik-pasada at ayuda.