Home>News>Nation>13-anyos tinamaan ng bala sa ulo habang tulog

13-anyos tinamaan ng bala sa ulo habang tulog

ISANG 13- anyos na dalagita ang nasa kritikal na kalagayan matapos tamaan ng bala ng baril sa ulo habang natutulog sa loob ng kanilang tahanan kahapon ng madaling araw sa Zamboanga Sibugay.

Ang biktima ay residente ng Purok Mangga, Bgy. Guituan, Ipil, Zamboanga Sibugay.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office (PRO 9) napag-alaman na naganap ang insidente dakong 5:30 a.m. nitong Linggo.

Natutulog umano ang biktima kasama ang kanyang mga magulang nang biglang umalingawngaw ang putok ng baril.

Nagulat na lamang ang mga magulang ng dalagita nang makitang siyang duguan.

Isinugod ang biktima sa Ipil Provincial Hospital para sa paunang lunas bago inilipat sa Zamboanga City Hospital para sa karagdagang gamutan.

Ayon sa ina ng biktima, wala silang ideya kung sino ang may gawa ng krimen.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong pellets ng shotgun.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.