Home>News>Nation>2 nasunog ng buhay sa loob ng bus sa QC!

2 nasunog ng buhay sa loob ng bus sa QC!

Nasunog bus

Nasunog busKonduktora sinilaban ng pasahero

NASUNOG ng buhay ang dalawang katao habang apat ang nasugatan nang sunugin umano ng isang pasahero ang kanilang sinasakyang pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Patay ang konduktora na si Amelene Sembana at isang hindi pa kilalang lalaki, ayon sa inisyal na ulat ng QC Bureau of Fire Protection.

Ayon sa BFP, pasado ala-1: 20 ng hapon (January 3) binabaybay umano ng bus ang southbound lane patungong Pearl Drive sa Greater Fairview, nang bigla itong magliyab.

Bago magliyab ang bus ay nagtalo umano ang konduktora at pasahero hanggang sa buhusan ng huli ng gasolina ang loob ng sasakyan saka sinilaban.

Dahil dito ay nagkatulakan at kaniya-kaniyang talunan ang mga pasahero sa binasag na bintana ng bus, ayon sa mga nakasaksing istambay sa Bgy. North Fairview, subalit may na-trap umano sa loob ng sasakyan.

Sa pahayag ni Valentino Obligasion, 45, driver ng Fairview Bus (NAL 6673) at body number 1606, may binuhos ang isang lalaking pasahero sa kaniyang konduktora na naging sanhi ng pagliyab.

May nakaaway po yung konduktor na pasahero… Nung nakita na lang po, tumatakbo na yung konduktor ko, sinindihan siya nung pasahero… Dun na po nag-umpisa ang sunog,” ayon kay Obligasion.

Ayon naman sa pasaherong si Jennifer Lutao, binuhusan ng lalaki ang konduktora ng hinihinalang gas na nakalagay sa isang maliit na bote at dahil sa mga plastic barrier ay mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng bus.

Tinulak nitong kaaway niya papunta dun sa dulo, sa amin. Nung tumayo yung konduktura, inandihan niya na yung kaaway niya, yung pasahero. Sapakan na sila, suntukan,” ani Lutao.

Sinabi naman ni Gemma Acanto, agad na binuksan ng driver ang pinto ng bus nang mangyari ang sunog, kaya agad nang nagtalunan ang mga pasahero habang ang iba ay dumaan sa binasag na bintana.

Nabatid kay SF03 Francisco Mabunga ng QC Central Fire Station, naapula ang apoy bandang alas-1:20 ng hapon.

Publication Source :    People's Tonight