Abby: free lunch

January 07, 2019

Libreng tanghalian para sa early bird business taxpayers, ipapamahagi ng Makati simula Lunes.

INANUNSYO ni Makati Mayor Abby Binay na simula kahapon,  Enero 7, mamamahagi ng libreng lunch packs ang lungsod sa unang 200 kliyenteng magbabayad ng buwis sa Business Tax Division kada araw, Lunes hanggang Biyernes, hanggang sa January 18. .

Aniya, ito ay simpleng paraan upang mapasalamatan ng pamahalaang lungsod ang mga tapat na taxpayer na naging bahagi ng patuloy na paglago ng kabuuang kita ng lungsod taun-taon.

Nauna rito, iniulat ng alkalde na nalagpasan na ng lungsod ang revenue target para sa buong taon, matapos umabot sa P16.8 bilyon ang koleksyon noong Nobyembre, na mataas ng walong porsiyento sa target.

Ayon kay Mayor Abby, ang free lunch packs para sa early birds ay ibabahagi Lunes hanggang Biyernes, mula January 7 hanggang 11, at mula January 14 hanggang 18. Pagbayad sa cashier, iaabot sa kanila ang lunch stub at ipiprisinta nila ito sa itinakdang lugar sa ground floor lobby ng City Hall Building II upang makuha ang libreng lunch pack.

Bukod sa libreng lunch, may nakahanda ring libreng kape at biskwit sa buong araw, Lunes hanggang Biyernes, sa mga nabanggit na petsa para sa mga kliyente, kabilang ang mga taxpayer ng Realty Tax Division sa second foor, City Hall main building.

Mula Huwebes, January 3, nananatiling bukas nang lagpas sa regular na oras ng trabaho ang frontline offices na may kinalaman sa pagbabayad ng buwis, at sa pagproseso at pag-isyu ng permits.

Ang mga ito ay bukas rin pati Sabado at Linggo hanggang sa Enero 20, ang deadline ng assessment ng business permits at pagbayad ng business tax at realty tax.

Nanawagan si Mayor Abby sa taxpayers na magbayad na bago pa dumating ang deadline upang maiwasan ang penalty sa late payments, kasama ang 25 percent surcharge at two percent penalty sa bawat buwan ng delay hanggang sa mabayaran nang buo ang kaukulang halaga.

Sa ilalim ng Makati Revenue Code, ang mga sumusunod na diskwento ay ibinibigay sa non-delinquent taxpayers: 10 percent para sa full year Real Property Tax (RPT) payments hanggang January 20, at five percent discount para sa prompt quarterly payments (Quarter 1, hanggang January 20; Quarter 2, hanggang April 20; Quarter 3, hanggang July 20; at Quarter 4, hanggang October 20).